Tuesday, July 12, 2011

PCSO: Walang 'Pajero Bishops'



CBCP Bishops on their July 9 meeting






INAMIN ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa
pangunguna  ni chairperson Margie Juico na walang donasyong Pajero na
tinanggap ang kahit isang obispo ng Simbahang Katoliko na sumabit sa
isyu ng “Pajero Bishops,” taliwas sa mga naunang naglabasang balita.





Sa pagdinig kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna
nina Sen. TG Guingona, Sen. Panfilo Lacson, Senate President Juan Ponce
Enrile, Sen. Franklin Drilon at Sen. Chiz Escudero, kinumpirma ni Juico
na sa aktuwal, walang mamahaling sasakyan katulad ng Pajero na
nagkakahalaga ng halos P3 milyon bawat isa (brand new) na naipamahagi sa
mga obispo ng Simbahang Katoliko.

Batay sa rekord ng PCSO na
binasa ni Juico, P6.940 milyon ang inilaan ng nakaraang liderato ng PCSO
sa donasyon kung saan ibinigay ito sa Archdiocese ng Zamboanga, Butuan,
Cotabato, Nueva Segovia at Isabela, Basilan.


Aniya pa, “dumaan
sa proseso” ng PCSO ang kahilingan kung saan isang Toyota Grandia ang
napunta sa Archdiocese of Zamboanga; isang Isuzu Crosswind naman sa
Nueva Segovia, Ilocos Sur; isang Isuzu passenger van sa Bontoc-Lagawe
para sa proyekto nitong “Alay-Kapwa,” isang Mitsubishi Montero sa
Archdiocese ng Butuan; at isang Mitsubishi Estrada naman sa Archdiocese
of Basilan.


Bago ang pag-amin ni Juico, kinumpirma rin ni PCSO
Director Aleta Tolentino na wala ring natanggap na sasakayan, isang
Isuzu Altera, ang Archdiocese ng Iligan City para magamit ng crisis
center nito sa pangunguna ni Fr. Roger Lood, dahil hindi umano nito
nakumpleto ang mga kailangang dokumento para sa donasyon.


Ani
Juico, “maaring” kwestyunable ang mga naturang donasyon dahil posibleng
labag ito sa prinsipyo ng “separation of Church and State” na nakasaad
sa Saligang Batas, bukod sa tanging mga ambulansiya lang ang
ipinamamahagi ng PCSO, batay na rin sa charter  nito.


Bunga ng
resulta ng paunang imbestigasyon kahapon, tumibay naman ang hinala ng
ilang grupo na may “sumasabotahe” sa relasyon ng Simbahan at ng
Malacañang.


“Hindi kaya nakakahalata ang PCSO na posibleng
nagagamit ang ahensiya para lang magalit ang mga obispo kay Pang. Noynoy
Aquino dahil pinalaki ang isyung ito kahit wala naman palang matibay na
ebidensiya?” tanong pa nila.


Bago pumutok ang kontrobersiya,
matatandaan na mainit na ang bangayan ng Palasyo at Simbahang Katoliko
dahil na rin sa isyu ng Reproductive Health (RH) bill.


Nakaranas na rin ng pagbatikos si P-Noy kay Butuan Archbishop Juan de Dios Pablos, dahil umano sa “mahinang” liderato nito.


Ngayong araw itutuloy ang pagdinig kung saan isasalang naman ang mga bumabatikos sa PCSO.





SOURCE:





http://www.journal.com.ph/index.php/news/top-stories/8894-pcso-walang-pajero-bishops

No comments:

Post a Comment